Ai Ai De Las Alas, Nagtatampo Sa ABS-CBN
Pumunta kami sa huling gabi ng lamay para sa yumaong ama ni Ai Ai delas Alas noong Biyernes ng gabi sa Arlington Funeral Chapel sa Quezon City.
Kasalukuyang may misa nang dumating kami at naabutan namin si Ai Ai na binabasa ang gospel of the day.
Nagustuhan namin ang homily ng pari at ang kasimplehan ng pamilya ni Ai Ai. Ordinaryong tao ang trato kay Ai Ai ng kanyang mga kamag-anak at hindi mo iisipin na habang pinipilahan sa box-office ang pelikula niya, nagluluksa ang bida ng Ang Tanging Ina N’yong Lahat.
Nakita namin sa burol ang tatlong anak ni Ai Ai. Magagalang ang mga bata dahil sila ang lumalapit at bumabati sa mga matatandang kamag-anak nila.
Isinulat ni Ronnie Carrasco sa column nito na hindi nakiramay ang ABS-CBN kay Ai Ai kaya nagtatampo ito sa kanyang mother studio.
Mahaba ang holiday noong isang linggo kaya inisip namin na posibleng hindi nalaman ng mga executive ng ABS-CBN na namatayan ng ama si Ai Ai.
In fairness to Star Cinema (sister company ng ABS-CBN at producer ng blockbuster movie ni Ai Ai), nakiramay ang executive na si Tess Fuentes dahil nakita namin sa listahan ng mga dumating ang kanyang pirma at pangalan.
Kung hindi man nakiramay kay Ai Ai ang ABS-CBN, puwede pa siyang bigyan ng victory party dahil sa success ng Ang Tanging Ina N’yong Lahat para maramdaman niya ang pagpapahalaga na kanyang hinahanap.
~Jojo Gabinete